99
Naghahari si Yahweh; hayaang manginig ang mga bansa. Siya ay nakaluklok sa itaas ng mga kerubin; ang daigdig ay yumayanig. Si Yahweh ay dakila sa Sion; itinataas siya sa lahat ng mga bansa. Hayaan mong purihin nila ang iyong dakila at kahanga-hangang pangalan; siya ay banal. Ang hari ay malakas, at minamahal niya ang katarungan. Itinatag mo ang pagkakapantay-pantay; nilikha mo ang makatarungang pamamahala kay Jacob. Purihin si Yahweh ang ating Diyos at sambahin siya sa kanyang tuntungan. Siya ay banal. Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari, at si Samuel ay kabilang sa mga nanalangin sa kanya. Nanalangin sila kay Yahweh, at sinagot niya sila. Kinausap niya sila mula sa haliging ulap. Iningatan nila ang kanyang tapat na mga kautusan at mga batas na ibinigay sa kanila. Sinagot mo sila, Yahweh na aming Diyos. Ikaw ang Diyos na nagpatawad sa kanila, kahit na pinarusahan mo ang kanilang mga kasalanan. Purihin si Yahweh ang ating Diyos, at sambahin siya sa kanyang banal na burol, dahil si Yahweh ang ating Diyos na banal.