6
1 Pagkatapos sumagot si Job at sinabing,
2 “O, kung titimbangin lamang ang aking paghihirap, at susukatin ang lahat ng aking mga sakuna!
3 Sa ngayon mas magiging mabigat pa ito kaysa sa lahat ng buhangin sa dagat. Kaya nga naging padalos-dalos ako sa aking mga salita.
4 Dahil ang mga palaso ng Makapangyarihan ay nakaabang sa akin, ang aking espiritu ay iniinom ang lason; ang mga kaparusahan ng Diyos ay nagsunod-sunod laban sa akin.
5 Ang isa bang mabangis na asno ay uungal kung marami namang damo? O ang mga baka ba ay uungal kung may dayami naman silang makakain?
6 Ang isang pagkain ba na walang lasa ay makakain kung walang asin? O may kung anong lasa ba sa puti ng itlog?
7 Tumatanggi akong hawakan sila; tulad sila ng mga nakakapandiring pagkain sa akin.
8 O, sana matanggap ko na ang aking hinihiling, oh, ibigay na sana ng Diyos ang aking minimithi;
9 na malugod ang Diyos na durugin niya ako ng isang beses, na bitawan niya ako at putulin sa buhay na ito.
10 Sana ito na lang ang aking maging pampalubag-loob—kahit na magsaya ako sa hindi napapawing hapdi: na hindi ko sinuway ang mga salita ng Tanging Banal.
11 Ano ba ang aking lakas, na kailangan ko pang maghintay? Ano ba ang aking katapusan, na kailangan kong pahabain ang aking buhay?
12 Ang lakas ko ba ay kasing lakas ng mga bato? O ang aking mga kalamnan ay gawa sa tanso?
13 Hindi ba totoo na hindi ko kayang tulungan ang aking sarili, at ang karunungan ay tinanggal sa akin?
14 Para sa isang taong malapit nang mawalan ng malay, dapat ipakita ng kaniyang kaibigan ang katapatan; kahit na pinabayaan niya pa ang kaniyang takot sa Makapangyarihan.
15 Pero naging matapat ang mga kapatid ko sa akin, na tulad ng mga batis sa disyerto, na tulad ng mga daluyan ng tubig na natutuyo,
16 na dumidilim dahil sa mga yelong tumatakip sa mga ito, at dahil sa mga niyebe na ikinukubli ang sarili sa kanila.
17 Kapag sila ay natunaw, sila ay mawawala; kapag ang panahon ay mainit, nalulusaw sila sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga karawan ay gumigilid para maghanap ng tubig, nagpapaikot-ikot sila sa tuyong lupain at saka mamamatay.
19 Ang mga karawan mula sa Tema ay pinagmamasdan sila, gayun din sa pangkat ng mga taga-Sheba na umaasa sa kanila.
20 Sila ay nabigo dahil umaasa sila na makakahanap ng tubig; pumunta sila roon pero sila ay nilinlang.
21 Kaya ngayon, kayong mga kaibigan ko ay wala nang halaga sa akin; nakita ninyo ang aking kaawa-awang kalagayan pero kayo ay natatakot.
22 'Sinabi ko ba sa inyo na bigyan ninyo ako ng kahit ano?' 'O, regaluhan ninyo ako mula sa inyong kayamanan?'
23 O, 'Iligtas ako mula sa kamay ng aking kalaban?' O, 'Tubusin ako sa kamay ng mga nang-aapi sa akin?'
24 Ituro ninyo sa akin, at ako ay mananahimik, ipaintindi ninyo sa akin kung saan ako nagkamali.
25 Sadya ngang napakasakit ng katotohanan! Pero ang inyong mga sinasabi, paano ba nito ako maitutuwid?
26 Balak ba ninyong hindi pansinin ang aking mga sinasabi, ituring ito ang salita ng isang tao na parang ito ay hangin?
27 Totoo nga, pinagpupustahan ninyo ang naulila sa ama, at pinagtatalunan ang inyong kaibigan na tulad ng isang kalakal.
28 Subalit ngayon, tingnan ninyo ako at papatunayan ko sa inyo na hindi ako nagsisinungaling.
29 Pigilan ninyo ang inyong sarili, parang awa ninyo na; maging makatarungan kayo, maghunos-dili kayo dahil nasa tamang panig ako.
30 May kasamaan ba sa aking dila? Hindi ba malalaman ng aking bibig ang malisyosong mga bagay?