7
1 Dumating ang mga kalalakihan ng Kiriat-Jearim, kinuha ang kaban ni Yahweh, at dinala ito sa bahay ni Abinadab sa burol. Itinalaga nila ang kanyang anak na lalaking si Eleazar para mangalaga sa kaban ni Yahweh.
2 Mula nang araw na manatili ang kaban sa Kiriat-Jearim, lumipas ang mahabang panahon, dalawampung taon. Nanaghoy ang buong bahay ng Israel at ninais nilang bumaling kay Yahweh.
3 Sinabi ni Samuel sa lahat ng tao ng Israel, “Kung babalik kayo kay Yahweh nang inyong buong puso, alisin ninyo ang mga dayuhang diyos at ang Astarot mula sa inyo, ibaling ang inyong mga puso kay Yahweh, at siya lamang ang sambahin, sa gayon ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”
4 Pagkatapos inalis ng mga tao ng Israel ang mga Baal at mga Astarot, at sinamba lamang si Yahweh.
5 Pagkatapos, sinabi ni Samuel, “Dalahin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at mananalangin ako kay Yahweh para sa inyo.”
6 Nagtipon sila sa Mizpa at sumalok ng tubig at ibinuhos ito sa harapan ni Yahweh. Nag-ayuno sila sa araw na iyon at sinabing, “Nagkasala kami laban kay Yahweh.” Doon pinagpasiyahan ni Samuel ang mga alitan ng mga tao ng Israel at pinangunahan ang mga tao.
7 Ngayon nang marining ng mga Filisteo na nagtipon ang mga tao ng Israel sa Mizpa, sinalakay ng mga namumuno ng Filisteo ang Israel. Pagkarinig ng mga tao ng Israel nito, natakot sila sa mga Palestina.
8 Pagkatapos sinabi ng bayan ng Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil sa pagtawag kay Yahweh na ating Diyos para sa amin, upang iligtas niya kami mula sa kamay ng mga Filisteo.”
9 Kumuha si Samuel ng isang pinapasusong kordero at inihandog ito bilang isang buong sinunog na handog kay Yahweh. Pagkatapos patuloy na tumawag si Samuel kay Yahweh para sa Israel, at sinagot siya ni Yahweh.
10 Habang inihahandog ni Samuel ang sinunog na handog, lumapit ang mga Filisteo para salakayin ang Israel. Subalit nagpakulog si Yahweh ng isang malakas na tunog sa araw na iyon laban sa mga Filisteo at nagkagulo sila, at napuksa sila sa harapan ng Israel.
11 Pumunta ang mga kalalakihan ng Israel mula sa Mizpa, at tinugis nila ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.
12 Pagkatapos kumuha si Samuel ng isang bato at itinayo ito sa pagitan ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer, sinasabing, “Hanggang sa ngayon tinulungan pa rin kami ni Yahweh.”
13 Kaya nag-api ang mga Filisteo at hindi sila pumasok sa hangganan ng Israel. Laban sa mga Filisteo ang kamay ni Yahweh sa lahat ng araw ni Samuel.
14 Naibalik sa Israel ang mga bayang kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa mga Filisteo. Pagkatapos nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at mga Amoreo.
15 Hinatulan ni Samuel ang Israel sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
16 Bawat taon lumilibot siya sa Bethel, sa Gilgal at sa Mizpa. Pinagpapasiyahan niya ang mga alitan para sa Israel sa lahat ng mga lugar na ito.
17 Pagkatapos babalik siya sa Rama, sapagkat naroon ang bahay niya; at doon pinagpapasiyahan din niya ang mga alitan para sa Israel. Gumawa rin siya ng altar doon kay Yahweh.