30
1 At nangyari na nang bumalik sa Ziklag si David at ng kanyang mga tauhan sa ikatlong araw, na gumawa ng pagsalakay ang mga Amalekita sa Negev at sa Ziklag. Linusob nila ang Ziklag, sinunog ito,
2 at binihag ang mga kababaihan at bawat isang naroroon, kapwa maliliit at malalaki. Wala silang pinatay, ngunit dinala sila habang papaalis sila.
3 Nang dumating sina David at ang kanyang mga tauhan sa lungsod, nasunog na ito—at binihag ang kanilang mga asawa, kanilang mga anak na lalaki, at kanilang mga anak na babae.
4 Pagkatapos nagtaas ng boses sina David at mga taong kasama niya at umiyak sila hanggang wala na silang kakayahang umiyak.
5 Binihag ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na asawa ni Nabal na taga-Carmelo.
6 Labis na namighati si David, sapagkat nag-uusap ang mga tao tungkol sa pagbato sa kanya, dahil ang mga espiritu ng lahat ng tao ay nagdadalamhati, bawat tao para sa kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae; subalit pinalakas ni David ang kanyang sarili kay Yahweh, na kanyang Diyos.
7 Sinabi ni David kay Abiathar na anak ni Ahimelec na pari, “Nagmamakaawa ako sa iyo, dalhin mo dito ang epod para sa akin.” Dinala ni Abiathar ang epod kay David.
8 Nanalangin si David kay Yahweh ng gabay, sinasabing, “Kung tutugisin ko ang hukbong ito, maaabutan ko ba sila? Sumagot si Yahweh sa kanya, “Tugisin mo sila dahil tiyak na maaabutan mo sila, at tiyak na mababawi mo ang lahat.”
9 Kaya umalis si David, siya at ang anim na raang tauhang kasama niya; nakarating sila sa batis Besor, kung saan nanatili ang mga lalaking naiwan.
10 Ngunit patuloy si David sa pagtugis, siya at ang apat na raang tauhan; sapagkat dalawang daang tauhan ang naiwan na mahinang mahina na kaya hindi na makatawid sa batis ng Besor.
11 Natagpuan nila sa bukid ang isang taga-Ehipto at dinala kay David; binigyan nila ng tinapay, at kinain niya ito; binigyan nila ng tubig na maiinom;
12 at binigyan nila ng isang pirasong mamon na gawa sa igos at dalawang kumpol ng pasas. Nang nakakain na siya, bumalik na muli ang kanyang lakas, sapagkat hindi siya kumain ng tinapay ni uminom ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
13 Sinabi ni David sa kanya, “Kanino ka nabibilang? Saan ka nagmula?” Sinabi niya, isa akong binata ng Ehipto, lingkod ng isang Amalekita; iniwan ako ng aking amo, dahil tatlong araw na ang nakakaraan nagkasakit ako.
14 Gumawa kami ng pagsalakay sa Negev ng mga Chereteo, at kung ano ang nabibilang sa Juda, at sa Negev ng Caleb, at sinunog namin ang Ziklag.”
15 Sinabi sa kanya ni David, “Maaari mo ba akong dalhin pababa sa mga pangkat na ito na sumalakay?” Sinabi ng taga-Ehipto, “Sumumpa ka sa akin sa Diyos na hindi mo ako papatayin o ipagkakanulo sa mga kamay ng aking panginoon, at dadalhin ko kayo pababa sa mga sumalakay na pangkat na ito.”
16 Nang dinala si David ang taga-Ehipto pababa, ang mga sumalakay ay nagkalat sa buong paligid, nagkakainan at nag-iinuman, at nagsasayawan, dahil sa lahat ng mga nanakaw nila mula sa lupain ng Filisteo at mula sa lupain ng Juda.
17 Nilusob sila ni David mula sa takip-silim hanggang sa gabi ng sumunod na araw. Wala ni isang lalaki ang nakatakas maliban sa apat na raang binatang sumakay sa mga kamelyo at tumakas.
18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha ng mga Amalekita; at nailigtas ni David ang kanyang dalawang asawa.
19 Wala ni isang nawala, maging maliliit man ni malalaki, maging anak na mga lalaki ni anak na mga babae, maging ang nanakaw, ni anumang bagay na kinuha sa kanila ng mga sumalakay para sa kanilang sarili. Dinala ni David pabalik ang lahat.
20 Kinuha ni David ang lahat ng kanilang mga kawan at mga pangkat ng hayop, na itinaboy ng mga tauhan sa unahan ng ibang baka. Sinabi nila, “Ito ang nanakaw ni David.”
21 Pumunta si David sa kanyang dalawandaang tauhang naiwan na mahinang mahina para sumunod sa kanya, iyong mga pinaiwan ng iba upang manatili sa batis Besor. Ang mga tauhang ito ang naunang pumunta para salubungin si David at mga taong kasama niya. Nang pumunta si David sa mga taong ito, binati niya sila.
22 Pagkatapos sinabi ng lahat ng masasamang lalaki at mga walang kabuluhang taong sumama kay David, “Dahil hindi sumama sa atin ang mga kalalakihang ito, hindi natin sila bibigyan ng anumang nanakaw na nabawi natin. Maliban na maaaring isama ng bawat lalaki ang kanyang asawa at mga anak, pangunahan sila palayo, at umalis.”
23 Kaya sinabi ni David, “Hindi kayo dapat kumilos ng ganito sa mga ibinigay sa atin ni Yahweh, mga kapatid. Iningatan niya tayo at ibinigay sa ating kamay ang mga sumalakay laban sa atin.
24 Sinong makikinig sa inyo sa bagay na ito? Dahil gaya ng kabahagi ay para sa sinumang pumunta sa labanan, kaya ganundin ang kabahagi para sa sinumang nagbantay sa mga gamit; makikibahagi sila at magkakapareho bawat kabahagi.”
25 Naging ganoon na mula sa araw na iyon hanggang sa araw na ito, sapagkat ginawang batas iyon ni David at isang kautusan para sa Israel.
26 Nang pumunta si David sa Ziklag ipinadala niya ang ilan sa mga nanakaw sa mga nakakatanda ng Juda, sa kanyang mga kaibigan, sinabing, “Tingnan ninyo, narito ang isang handog para sa inyo mula sa nanakaw mula sa mga kaaway ni Yahweh.”
27 Sa mga nakakatanda na nasa Betuel, at sa mga nasa Ramot sa Timog, at sa mga nasa Jattir,
28 at sa mga nasa Aroer, at sa mga nasa Sifmot, at sa mga nasa Estemoa.
29 At ganun din sa mga nakakatandang nasa Racal, at sa mga nasa lungsod ng mga Jerahmeelita, at sa mga nasa siyudad ng mga Cineo,
30 at sa mga nasa Horma, at sa mga nasa Borasan, at sa mga nasa Athac,
31 at sa mga nasa Hebron, at sa lahat ng lugar kung saan palaging pumupunta mismo si David at ng kanyang mga tauhan.