23
1 Sa ika-pitong taon, naging makapangyarihan si Joiada. Nakipagkasundo siya sa mga pinuno ng hukbo ng daan-daan, sina Azarias na anak na lalaki ni Jeroham, Ismael na anak na lalaki ni Jehohanan, Azarias na anak na lalaki ni Obed, Maasias na anak na lalaki ni Adaya at si Elisafat na anak na lalaki ni Zicri.
2 Nilibot nila ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng lungsod ng Juda, gayundin ang mga pinuno ng mga sinaunang sambahayan ng Israel, at nakarating sila sa Jerusalem.
3 Nakipagkasundo ang buong kapulungan sa hari sa tahanan ng Diyos. Sinabi ni Joiada sa kanila,” Tingnan ninyo, maghahari ang anak ng hari, gaya ng sinabi ni Yahweh tungkol sa mga kaapu-apuhan ni David.
4 Ito ang dapat ninyong gawin: ang ikatlong bahagi ng mga pari at ng mga Levita na pupunta upang maglingkod sa Araw ng Pamamahinga ay magiging mga bantay sa mga pintuan.
5 Ang isa pang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari; at ang natirang ikatlo ay sa Saligang Tarangkahan. Ang lahat ng tao ay pupunta sa patyo ng tahanan ni Yahweh.
6 Walang papasok sa tahanan ni Yahweh, maliban sa mga pari at mga Levita na naglilingkod; dapat silang pumasok, sapagkat naitalaga sila para sa kanilang gawain sa ngayon. Dapat nilang sundin ang lahat ng utos ni Yahweh.
7 Dapat palibutan ng mga Levita ang hari sa lahat ng mga panig, ang bawat tao ay may sandata sa kanilang kamay. Patayin ang sinumang papasok sa tahanan. Samahan ninyo ang hari kapag siya ay papasok at kapag siya ay lalabas.”
8 Kaya naglingkod ang mga Levita at lahat ng Juda sa bawat kaparaanang iniutos ng pari na si Joiada. Isinama ng bawat isa ang kanilang mga tauhan, sila na papasok upang maglingkod sa Araw ng Pamamahinga, at sila na aalis sa paglilingkod sa Araw ng Pamamahinga; sapagkat hindi pinauwi ni Joiada ang kanilang mga pangkat.
9 At binigyan ni Joiada na pari ang mga pinuno ng hukbo ng mga sibat, at mga maliliit at malalaking panangga, na pag-aari ni haring David, na nasa tahanan ng Diyos.
10 Inilagay ni Joiada ang lahat ng kawal, ang bawat isa sa kanila ay may hawak na sandata, mula sa kanang bahagi ng templo hanggang sa kaliwang bahagi ng templo, sa tabi ng altar at sa templo, na pinaliligiran ang hari.
11 Pagkatapos, inilabas nila ang anak na lalaki ng hari, inilagay ang korona sa kaniya at ibinigay ang kautusan. At ginawa nila siyang hari, at pinahiran siya ni Joiada at ng kaniyang mga anak. At sinabi nila, “Mabuhay ang hari.”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong tumatakbo at nagpupuri sa hari, pumunta siya sa mga tao na nasa tahanan ni Yahweh.
13 At tumingin siya, at masdan, ang hari ay nakatayo sa kaniyang haligi sa pasukan, at nasa tabi ng hari ang mga pinuno at mga taga-ihip ng trumpeta. Nagsasaya at umiihip ng mga trumpeta ang lahat ng tao sa lupain at ang mga mang-aawit ay tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika at nangunguna sa pagkanta ng papuri. At pinunit ni Atalia ang kaniyang damit at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”
14 At inilabas ni Joiada na pari, ang mga pinuno ng daan-daan na namumuno sa hukbo at sinabi sa kanila, “Ilabas siya sa gitna ng mga hanay, patayin sa pamamagitan ng espada ang sinumang susunod sa kaniya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa tahanan ni Yahweh.”
15 Kaya nagbigay daan sila para sa kaniya, at lumabas siya sa daan na Tarangkahan ng Kabayo papunta sa tahanan ng hari at doon siya ay pinatay nila.
16 At gumawa si Joiada ng isang kasunduan, sa lahat ng tao at sa hari, na sila ay dapat maging mga tao ni Yahweh.
17 Kaya pumunta ang lahat ng tao sa bahay ni Baal at giniba ito. Binasag nila ang mga altar ni Baal, dinurog ang kaniyang mga imahe at pinatay nila si Matan, ang pari ni Baal, sa harap ng mga altar na iyon.
18 Nagtalaga si Joiada ng mga opisyal para sa tahanan ni Yahweh sa ilalim ng kamay ng mga pari, na mga Levita, na siyang itinalaga ni David sa tahanan ni Yahweh, upang mag-alay ng mga handog na susunugin kay Yahweh, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, kasama ng pagsasaya at pag-aawitan, gaya ng ibinigay na tagubilin ni David.
19 Naglagay si Joiada ng mga bantay sa mga tarangkahan sa tahanan ni Yahweh, nang sa gayon ay walang sinumang marumi ang makapasok sa.
20 Isinama ni Joiada ang mga pinuno ng daan-daan, ang mga mararangal na tao, ang mga gobernador ng mga tao, at lahat ng mga tao sa lupain. Ibinaba niya ang hari mula sa tahanan ni Yahweh; pumasok ang mga tao sa Mataas na Tarangkahan sa bahay ng hari at pinaupo ang hari sa trono ng kaharian.
21 Kaya nagalak ang lahat ng mga tao sa lupain at ang lungsod ay tumahimik. Tungkol naman kay Atalia, siya ay pinatay nila ng espada.