64
Dinggin mo ang aking tinig, O Diyos, pakinggan mo ang aking daing; ingatan mo ang aking buhay mula sa takot mula sa aking mga kaaway. Itago mo ako mula sa lihim na pakana ng mga mapaggawa ng masama, mula sa kaguluhan ng mga gumagawa ng masama. Hinasa nila ang kanilang mga dila gaya ng mga espada; itinutok nila ang kanilang mga palaso, mapapait na mga salita, para panain nila mula sa lihim na mga lugar ang mga taong walang kasalanan; agad nilang papanain siya at walang kinatatakutan. Pinalalakas nila ang kanilang loob sa masamang plano; palihim silang nagpulong para maglagay ng mga patibong; sinasabi nila, “Sino ang makakikita sa atin?” Lumikha sila ng mga planong makasalanan; “Natapos namin,” sinasabi nila, “ang isang maingat na plano.” Malalim ang saloobin at puso ng tao. Pero papanain sila ng Diyos; kaagad silang masusugatan ng kaniyang mga palaso. Madarapa sila, dahil laban sa kanila ang kanilang mga dila; iiling sa kanilang mga ulo ang lahat ng makakakita sa kanila. Matatakot ang lahat ng mga tao at ihahayag ang mga gawa ng Diyos. Pag-iisipan nilang mabuti ang tungkol sa kaniyang mga ginawa. 10 Magagalak kay Yahweh ang matuwid at kukubli sila sa kaniya; magmamalaki ang lahat ng matapat sa puso.