56
Maawa ka sa akin, o Diyos, dahil may naghahangad na lamunin ako; buong araw ay nilalabanan niya ako at inaapi. Hinahangad ng aking mga kaaway na lamunin ako buong araw; dahil marami ang mayabang na kumakalaban sa akin. Kapag ako ay natatakot, magtitiwala ako sa iyo. Sa Diyos, na ang salita ay aking pinupuri - sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako matatakot; ano ang magagawa sa akin ng mga pawang tao lamang? Buong araw, binabaluktot nila ang aking mga salita; lahat ng kanilang iniisip ay laban sa akin para sa kasamaan. Nagtitipon-tipon sila, tinatago nila ang kanilang mga sarili, at tinatandaan ang aking mga hakbang, katulad ng kanilang paghihintay sa aking buhay. Huwag mo silang hayaang makatakas na gumagawa ng kasamaan. Pabagsakin mo ang mga tao sa iyong galit, O Diyos. Binibilang mo ang aking mga paglalakbay at inilalagay mo ang aking mga luha sa iyong bote; wala ba ang mga ito sa iyong aklat? Pagkatapos tatalikod ang aking mga kaaway sa araw ng aking pagtawag sa iyo; ito ang aking nalalaman, na ang Diyos ay para sa akin. 10 Sa Diyos, na ang salita ay pinupuri ko - kay Yahweh, na ang salita ay pinupuri ko - 11 sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako matatakot; ano ang magagawa sa akin ng pawang tao lamang? 12 Ang tungkulin na tuparin ang lahat ng panata ko sa iyo ay nasa akin, O Diyos; magbibigay ako ng mga handog ng pasasalamat sa iyo. 13 Dahil sinagip mo ang aking buhay mula sa kamatayan; pinigilan mo ang aking mga paa na mahulog, para ako ay makalakad sa harapan ng Diyos sa liwanag ng mga nabubuhay.