107
Magpasalamat kay Yahweh, dahil sa kaniyang kabutihan at ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. Hayaang magsalita ang mga tinubos ni Yahweh, ang kaniyang mga sinagip mula sa kapangyarihan ng kaaway. Tinipon niya sila mula sa ibang mga lupain ng dayuhan, mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at mula sa timog. Naligaw sila sa ilang sa disyertong daan at walang lungsod na natagpuan para matirhan. Dahil gutom at uhaw sila, nanghina sila sa kapaguran. Pagkatapos tumawag sila kay Yahweh sa kanilang pagkabalisa, at sinagip niya sila mula sa kagipitan. Pinangunahan niya sila sa tuwid na landas para mapunta sila sa lungsod para manirahan. O papupurihan si Yahweh ng mga tao dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at para sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa sa sangkatauhan! Dahil panapawi niya ang pananabik nilang mga nauuhaw, at ang mga pagnanasa nilang mga gutom ay kaniyang pinupuno ng magagandang bagay. 10 Naupo ang ilan sa kadiliman at sa lumbay, mga bilanggo sa kalungkutan at pagkagapos. 11 Dahil nagrebelde sila laban sa salita ng Diyos at tinanggihan ang tagubilin ng nasa Kataas-taasan. 12 Ibinaba niya ang kanilang mga puso sa paghihirap; Natisod sila at wala ni isa ang tumulong sa kanila. 13 Kaya tumawag sila kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila mula sa kanilang kagipitan. 14 Inalis niya sila mula sa kadiliman at lumbay at nilagot ang kanilang pagkakatali. 15 Magpupuri ang mga taong iyon kay Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at para sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa sa sangkatauhan! 16 Dahil winasak niya ang mga tarangkahan na tanso at pinutol ang mga bakal na rehas. 17 Hangal sila sa kanilang suwail na mga pamamaraan at naghihirap dahil sa kanilang mga kasalanan. 18 Nawalan sila ng pagnanais na kumain ng kahit na anong pagkain at napalapit sila sa mga tarangkahan ng kamatayan. 19 Kaya sila ay tumawag kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila mula sa kagipitan. 20 Ipinadala niya ang kaniyang salita at pinagaling sila, at sinagip niya sila mula sa kanilang pagkawasak. 21 Papupurihan nang mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 22 Hayaan mo silang maghandog ng pasasalamat at magpahayag ng kaniyang mga ginawa sa pag-aawitan. 23 Naglakbay ang iba sa dagat sa barko at nagnegosyo sa ibang bansa. 24 Nakita nila ang mga gawa ni Yahweh at kaniyang kababalaghan sa mga dagat. 25 Dahil ipinag-utos niya at ginising ang hangin ng bagyo na nagpaalon sa karagatan. 26 Umabot ito sa himpapawid; bumaba sila sa pinakamalalim na lugar. Ang kanilang mga buhay ay nalusaw ng pagkabalisa. 27 Nayanig sila at sumuray-suray tulad ng mga lasinggero at sila ay nasa dulo ng kanilang diwa. 28 At tumawag sila kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila sa kanilang pagkabalisa. 29 Pinayapa niya ang bagyo at pinatahimik ang mga alon. 30 Nagdiwang sila dahil kumalma ang dagat at dinala niya sila sa nais nilang daungan. 31 Nawa papupurihan ng mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 32 Hayaan silang dakilain siya sa pagtitipon ng mga tao at papurihan siya sa samahan ng mga nakatatanda. 33 Ginagawa niyang ilang ang mga ilog, tuyong lupa ang mga bukal na tubig, 34 at tigang na lupa ang matabang lupa dahil sa kasamaan ng mga tao rito. 35 Ginagawa niyang paliguan ang ilang at mga bukal na tubig ang tuyong lupa. 36 Doon pinapatira niya ang nagugutom at sila ay nagtayo ng isang lungsod para tirahan. 37 Gumagawa sila ng isang lungsod para maglagay ng bukirin para taniman ng ubasan, at para mamunga ito ng masaganang ani. 38 Pinagpala niya sila para maging napakarami. Hindi niya hinayaan ang kanilang mga baka na mabawasan ng bilang. 39 Nawala sila at ibinaba sa pamamagitan ng kagipitan at paghihirap. 40 Nagbuhos siya ng galit sa mga pinuno at nagdulot sa kanila na maligaw sa ilang, kung saan walang mga daan. 41 Pero iniingatan niya ang nangangailangan mula sa sakit at inilagaan ang kaniyang mga pamilya tulad ng isang kawan. 42 Makikita ito ng matuwid at magdiriwang at mananahimik ang kasamaan. 43 Dapat tandaan ng sinuman ang mga bagay na ito at magnilay-nilay sa tipan na pagkilos ni Yahweh.