12
1 Sinumang umiibig sa disiplina ay iniibig ang kaalaman, pero sinumang namumuhi sa pagtatama ay mangmang.
2 Nagbibigay si Yahweh ng pabor sa mabuting tao, pero pinarurusahan niya ang taong gumagawa ng masasamang plano.
3 Ang isang tao ay hindi tatatag sa pamamagitan ng kasamaan, pero silang gumagawa ng katuwiran ay hindi mabubunot kailanman.
4 Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto.
5 Ang mga balakin ng lahat ng gumagawa ng tama ay makatarungan, ngunit ang payo ng masasama ay mapanlinlang.
6 Ang mga salita ng masasamang tao ay bitag na nakaabang ng pagkakataong pumatay, ngunit ang mga salita ng matutuwid ang siyang nag-iingat sa kanila.
7 Ang masasama ay bumabagsak at naglalaho, pero ang bahay ng mga taong gumagawa ng tama ay mananatili.
8 Pinupuri ang isang tao sa kaniyang karunungan, ngunit sinumang gumagawa ng baluktot na mga pagpili ay kinamumuhian.
9 Mas mabuti na magkaroon ng mababang katayuan—ang maging isang lingkod lamang, kaysa ang magmalaki patungkol sa iyong katayuan ngunit walang namang makain.
10 Nagmamalasakit ang matuwid sa pangangailangan ng kaniyang alagang hayop, pero maging ang habag ng masasama ay kalupitan.
11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.
12 Hinahangad ng masama ang mga ninakaw ng makasalanan mula sa iba, pero ang bunga ng mga matuwid ay galing sa kanilang mga sarili.
13 Ang masamang tao ay nabibitag ng kaniyang masamang pananalita, pero ang mga taong gumagawa ng tama ay nakaliligtas sa kapahamakan.
14 Mula sa bunga ng kaniyang mga salita, ang tao ay napupuno ng mabuting mga bagay, tulad ng paggagantimpala ng mga kamayy niyang nagtatrabaho.
15 Ang kaparaanan ng isang mangmang ay tama sa kaniyang paningin, pero ang taong may karunungan, sa payo ay nakikinig.
16 Ang mangmang ay kaagad nagpapakita ng galit, pero ang nagsasawalang-kibo sa insulto ay maingat.
17 Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.
18 Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala.
19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.
20 Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan.
21 Walang karamdaman ang dumarating sa mga matuwid, pero ang masasama ay puno ng paghihirap.
22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos.
23 Itinatago ng taong maingat ang kaniyang kaalaman, pero ang puso ng hangal ay sumisigaw ng kamangmangan.
24 Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho.
25 Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita.
26 Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan.
27 Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi.
28 Ang mga lumalakad sa tamang daan, buhay ang nasusumpungan at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.