5
1 Ipinadala ni Hiram, hari ng Tiro, ang kaniyang mga lingkod kay Solomon, dahil narinig niya na siya ay hinirang na hari kapalit ng kaniyang ama; dahil sa noon pa man ay mahal na ni Hiram si David.
2 Nagpadala ng salita si Solomon kay Hiram, nagsasabing,
3 “Alam mo na ang aking amang si David ay hindi maaring magtayo ng isang templo sa pangalan ni Yahweh ang kaniyang Diyos dahil sa mga digmaan na pumaligid sa kaniya, dahil sa kaniyang buong buhay inilalagay ni Yahweh sa ilalim ng kaniyang talampakan ang kaniyang mga kaaway.
4 Pero ngayon, si Yahweh na aking Diyos ay nagbigay sa akin ng kapahingan sa lahat ng dako. Walang sinumang kalaban ni anumang sakuna.
5 Kaya binabalak kong magtayo ng isang templo para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, gaya ng sinabi ni Yahweh kay David na aking ama, nagsasabing, 'Ang iyong anak, na siyang iluluklok ko sa iyong trono kapalit mo, ang magtatayo ng templo para sa aking pangalan.'
6 Kaya ngayon utusan mo sila na magputol ng mga sedar mula sa Lebanon para sa akin. At ang aking mga lingkod ay tutulong sa iyong mga lingkod, at babayaran kita para sa iyong mga lingkod sa gayon bayad ka ng patas sa lahat ng bagay na sinang-ayunan mong gawin. Dahil alam mo na walang sinuman sa amin ang nakakaalam kung paano magputol ng troso gaya ng mga taga-Sidon.”
7 Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya ay nagalak ng labis at nagsabi, “Nawa mapapurihan si Yahweh sa araw na ito, na siyang nagbigay kay David ng isang matalinong anak na mamamahala sa kaniyang dakilang bayan”
8 Nagpadala ng salita si Hiram kay Solomon na nagsasab, “Narinig ko ang mensahe na ipinadala mo sa akin. Gagawin ko ang lahat ng nais mo patungkol sa mga troso ng sedar at saypres.
9 Ibababa ng aking mga lingkod ang mga puno buhat sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong balsa ang mga ito para makarating sa pamamagitan ng dagat sa lugar na iniatas mo sa akin. Ang mga ito ay paghihiwa-hiwalayin doon at ito ay inyong mahahakot. Matutupad mo ang aking hangarin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain para sa aking sambahayan.”
10 Kaya ibinigay ni Hiram kay Solomon ang lahat ng troso ng sedar at pir na gusto niya.
11 Binigyan ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal ng trigo para sa pagkain ng kaniyang sambahayan at dalawampung galon ng purong langis. Ibinigay ito ni Solomon kay Hiram taon-taon.
12 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng katalinuhan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya. May kapayapaan sa pagitan nila Hiram at Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.
13 Sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang buong Israel; ang bilang ng sapilitang mga manggagawa ay tatlumpong libong kalalakihan.
14 Sila ay pinadala niya sa Lebanon, sampung libo isang buwan ng halinhinan. Isang buwan sila nasa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang tahanan. Si Adoniram ang namahala sa mga pinilit na manggagawa.
15 Si Solomon ay may pitumpung libong taga-buhat ng mga mabibigat at walumpong libong taga-tibag ng mga bato sa mga bundok,
16 bukod sa mga 3, 300 na punong opisyal na namamahala sa mga gawain at nangangasiwa sa mga manggagawa.
17 Sa utos ng hari sila ay nagtibag ng malalaking mga bato na mataas ang kalidad para sa paglatag ng pundasyon ng templo.
18 Kaya ang mga tagapagpatayo nila Solomon at Hiram at ang mga Gibalita ang gumawa ng pagpuputol at naghanda ng troso at ng mga bato para sa pagpapatayo ng templo.