6
1 Ngayon nakasara lahat ang mga pasukan ng Jerico dahil sa hukbo ng Israel. Walang sinuman ang lumalabas at pumapasok.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko sa inyo ang Jerico, ang hari nito at mga sundalong sinanay nito.
3 Dapat kayong magmartsa sa palibot ng lungsod, lahat ng kalalakihan sa digmaan ay lilibutin ang lungsod nang minsanan. Dapat ninyong gawin ito sa loob ng anim na araw.
4 Dapat dalhin ng pitong pari ang pitong trumpetang gawa sa mga sungay ng lalaking tupa sa harapan ng kaban. Sa ikapitong araw, dapat kayong magmartsa ng pitong beses palibot ng lungsod at patunugin ng malakas ang mga trumpeta ng mga pari.
5 Dapat silang magpatunog ng isang mahabang tunog gamit ang sungay ng lalaking tupa at kapag marinig ninyo ang tunog ng trumpeta dapat sumigaw ng napakalakas ang lahat ng mga tao at guguho ang pader ng lungsod. Dapat lumusob ang mga sundalo, bawat isa ng deretso lang.”
6 Pagkatapos tinawag ni Josue na anak na lalaki ni Nun, ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at hayaang dalhin ng pitong pari ang pitong trumpetang gawa sa mga sungay ng lalaking tupa sa harapan ng kaban ni Yahweh.”
7 At sinabi niya sa mga tao, “Lumakad kayo at magmartsa sa palibot ng lungsdo at ang mga armadong kalalakihan ay mauuna sa kaban ni Yahweh.”
8 Tulad ng sinabi ni Josue sa bayan, dinala ng pitong pari ang pitong trumpetang gawa sa mga sungay ng lalaking tupa sa harapan ni Yahweh. Habang nauuna sila, pinatunog nila nang malakas ang mga trumpeta. Sumunod sa kanila ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.
9 Lumakad ang mga armadong kalalakihan sa harapan ng mga pari, at gumawa sila ng isang malakas na tunog sa kanilang mga trumpeta, pero pagkatapos ang hulihang bantay ay sumusunod sa likod ng kaban, at tuluy-tuloy na hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta.
10 Pero inutos ni Josue sa bayan, sinabing, “Huwag kayong sumigaw. Dapat walang tunog ang lalabas sa inyong mga bibig hanggang sa araw na sabihin kong sumigaw kayo. Sa pagkakataong iyon lamang kayo dapat sumigaw.”
11 Kaya idinulot niya na ang Kaban ni Yahweh ay ilibot nang minsan sa lungsod sa araw na iyon. Pagkatapos pumasok sila sa kanilang mga kampo at nanatili sila sa kanilang kampo sa gabing iyon.
12 Kaya gumising ng maaga si Josue at binuhat ng mga pari ang Kaban ni Yahweh.
13 Ang pitong paring may dala ng pitong trumpetang gawa sa mga sungay ng lalaking tupa sa harapan ng Kaban ni Yahweh at matatag na naglalakad, hinipan nilang malakas ang mga trumpeta. Naglalakad sa kanilang harapan ang mga armadong sundalo. Pero nang ang hulihang bantay ay naglakad sa likod ng Kaban ni Yahweh, saka hinipang malakas ng tuluy-tuloy ang mga trumpeta.
14 Nagmartsa sila sa palibot ng lungsod nang minsan sa pangalawang araw at bumalik sa kampo. Ginawa nila ito sa loob ng anim na araw.
15 Maaga silang gumising nang magbubukang liwayway nang ikapitong araw at nagmartsa sila palibot ng lungsod ayon sa nakasanayan nila, sa pagkakataong ito pitong ulit. Sa araw na ito sila nagmartsa palibot ng slungsod nang pitong ulit.
16 Ito ay nasa ikapitong araw nang pinatunog nang malakas ng mga pari ang mga trumpeta, at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw! Dahil ibinigay sa inyo ni Yahweh ang lungsod.
17 Inilaan ni Yahweh para wasakin ang lungsod at ang lahat ng nasa loob nito. Tanging si Rahab ang bayarang babae ang mabubuhay—siya at lahat ng kaniyang sambahayan—dahil itinago niya ang mga lalaking ipinadala natin.
18 Pero para sa inyo, mag-ingat kayo tungkol sa mga bagay na itinakda para wasakin, kaya pagkatapos ninyo silang tandaan para wasakin huwag ninyong kunin ang kahit ano sa mga iyon. Kung gagawin ninyo ito, gagawin ninyong isang bagay na dapat wasakin ang kampo ng Israel at magdadala kayo ng kaguluhan dito.
19 Lahat ng pilak, ginto, at mga bagay na gawa sa tanso at bakal ay nakalaan kay Yahweh. Dapat dalhin ang mga ito sa ingatang yaman ni Yahweh.”
20 Kaya sumigaw ang mga tao at pinatunog nila nang malakas ang mga trumpeta. Nangyari ito nang narinig ng mga tao ang tunog ng trumpeta, sumigaw sila nang napakalakas na sigaw at gumuho ang pader kaya umakyat ang mga tao sa lungsod, sumugod ang bawat isa. At nabihag nila ang lungsod.
21 Winasak nila ng ganap ang lahat ng nasa lungsod gamit ang talim ng espada—lalaki at babae, bata at matanda, lalaking baka, tupa at mga asno.
22 Pagkatapos sinabi ni Josue sa dalawang lalaking nagmanman sa lupain, “Puntahan ang bahay ng bayarang babae. Dalhin palabas ang babae at lahat ng kasama niya, ayon sa inyong sumpa sa kaniya.”
23 Kaya ang kabataang lalaki na nagmanman ay pumasok at inilabas si Rahab. Nilabas nila ang kaniyang ama, ina, mga kapatid at lahat ng kamag-anak na kasama niya. Dinala nila sila sa isang lugar sa labas ng kampo ng Israel.
24 At sinunog nila ang lungsod at lahat ng naririto. Tanging pilak, ginto at mga sisidlang tanso at bakal ang inilagay sa ingatang yaman ng bahay ni Yahweh.
25 Pero pinahintulutan ni Josue si Rahab ang bayarang babae, ang sambahayan ng kaniyang ama, at lahat ng kasama niya na mabuhay. Nanirahan siya sa Israel hanggang sa araw na ito, dahil itinago niya ang mga lalaking ipinadala ni Josue para magmanman sa Jerico.
26 Pagkatapos sa pagkakataong iyon inutusan sila ni Josue kasama ng isang panunumpa at sinabi niya, “Sumpain ang tao sa paningin ni Yahweh na magtatayong muli ng lungsod na ito, ang Jerico. Sa ikapapahamak ng kaniyang panganay na anak na lalaki, ilalatag niya ang pundasyon at sa ikapapahamak ng kaniyang bunsong anak na lalaki, itatayo niya ang mga tarangkahan nito.”
27 Kaya kasama ni Josue si Yahweh at kumalat ang kaniyang katanyagan sa buong lupain.