37
1 Tunay nga, kumakabog dito ang aking dibdib; naalis ito sa kaniyang kinalalagyan.
2 Pakinggan ang ingay ng kaniyang tinig, ang tunog na lumalabas mula sa kaniyang bibig.
3 Pinadadala niya ito sa buong himpapawid, pinadadala niya ang kaniyang kidlat sa lahat ng dako ng mundo.
4 Isang tinig ang dumadagundong pagkatapos nito; kumulog ang kaniyang maluwalhating tinig; hindi niya pinipigilan ang mga kidlat kapag narinig ang kaniyang tinig.
5 Kahanga-hangang kumukulog ang tinig ng Diyos; gumagawa siya ng mga kadakilaan na hindi natin maunawaan.
6 Sabi niya sa niyebe, “Mahulog ka sa lupa'; gaya sa ambon, 'Maging isang malakas na pagbuhos ng ulan.'
7 Pinatigil niya ang bawat kamay ng mga tao sa pagtatrabaho, para makita sa lahat ng tao na kaniyang nilalang ang kaniyang mga ginawa.
8 Pagkatapos, pumunta ang mga hayop sa kanilang taguan at nanatili sa kanilang mga lungga.
9 Sa timog nagmula ang bagyo at sa hilaga nagmula ang malamig na hangin.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ibinigay ang yelo; nanigas ang tubig gaya ng bakal.
11 Tunay nga, pinupuno niya ang makapal na ulap ng tubig; kinakalat niya ang kidlat mula sa mga ulap.
12 Pinaikot niya ang mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang gabay, para magawa nila ang kahit anong inuutos niya mula sa ibabaw ng buong daigdig.
13 Ginawa niya ang lahat ng ito na mangyari; minsan nangyayari ito para sa pagtatama, minsan para sa lupain, at minsan bilang mga pagkilos sa katapatan sa tipan.
14 Makinig ka dito Job; huminto ka at isipin mo ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung papaano pinilit ng Diyos ang kaniyang kagustuhan sa mga ulap at pinakislap ang mga kidlat?
16 Naiintindihan mo ba ang paglutang ng mga ulap, ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos, na siyang nakaaalam ng lahat?
17 Naiintindihan mo ba kung papaano ang iyong mga damit ay natuyo nang walang mainit na hangin na mula sa timog?
18 Kaya mo bang palawakin ang himpapawid gaya ng ginawa niya - ang himpapawid, na kasing tibay ng salaming bakal?
19 Turuan mo kami kung ano ang sasabihin namin sa kaniya, dahil hindi namin matanto ang aming mga katuwiran dahil sa kadiliman ng aming mga pag-iisip.
20 Dapat ko bang sabihin sa kaniya na nais kung makausap siya? Sinong tao ang nais malulon?
21 Ngayon, hindi makatingin ang mga tao sa araw kapag nagliliwanag ito sa himpapawid pagkatapos umihip ng hangin at nagliwanag ang mga ulap nito.
22 Mula sa hilaga ang ginintuang kaluwalhatian - dahil sa kagila-gilalas na kaningningan ng Diyos.
23 Tungkol sa Makapangyarihan, hindi namin siya makita; dakila ang kaniyang kapangyarihan at katuwiran. Hindi siya nang-aapi ng mga tao.
24 Kaya, kinatatakutan siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga nag-iisip na matalino sila.”