46
1 Sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Isasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho ang tarangkahan ng panloob na patyo na nakaharap sa silangan, ngunit bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa araw ng Bagong Buwan.
2 Papasok ang prinsipe sa panlabas na patyo sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito mula sa labas, at tatayo siya sa harapan ng mga haligi ng pintuan ng panloob na tarangkahan habang isinasagawa ng mga pari ang kaniyang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, sasamba siya sa pasukan ng panloob na tarangkahan at lalabas siya, ngunit hindi isasara ang tarangkahan hanggang gabi.
3 Sasamba rin ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa pasukan ng tarangkahang ito sa mga Araw ng Pamamahinga at mga Bagong Buwan.
4 Ang handog na susunugin na iaalay ng prinsipe kay Yahweh sa Araw ng Pamamahinga ay anim na walang kapintasang mga kordero at isang walang kapintasang lalaking tupa.
5 Ang handog na butil kasama ng lalaking tupa ay magiging isang efa at ang handog na butil na kasama ng mga kordero ay kung ano lamang ang naisin niyang ibigay at isang hin ng langis sa bawat efa ng butil.
6 Sa araw ng Bagong Buwan, dapat mag-alay kayo ng isang walang kapintasang toro mula sa isang kawan, anim na kordero, at isang walang kapintasang lalaking tupa.
7 Dapat siyang gumawa ng handog na butil ng isang efa sa toro at isang efa sa lalaking tupa, at kung anuman ang naisin niyang ibigay sa mga kordero at isang hin ng langis para sa bawat efa ng butil.
8 Kapag pumasok ang prinsipe sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito, dapat siyang lumabas sa daanan din na iyon.
9 Ngunit kapag pumunta ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa mga itinalagang pagdiriwang, ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa hilaga upang sumamba ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa timog; at ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa timog ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa hilaga. Walang sinuman ang maaaring bumalik sa tarangkahan kung saan siya pumasok sapagkat dapat siyang lumabas nang tuwiran.
10 At dapat nasa kalagitnaan nila ang prinsipe. Kapag pumasok sila, dapat din siyang pumasok at kapag umalis sila, dapat din siyang umalis.
11 At sa mga pagdiriwang, ang handog na butil ay dapat isang efa ng butil para sa toro at isang efa sa lalaking tupa at anumang naisin niyang ibigay sa mga kordero, at isang hin ng langis para sa bawat efa.
12 Kapag nagbigay ang prinsipe ng isang kusang handog, maging isang handog na susunugin man o handog pangkapayapaan kay Yahweh, dapat niyang buksan ang tarangkahang nakaharap sa silangan para dito, at magsagawa ng kaniyang handog na susunugin at ng kaniyang handog pangkapayapaan gaya ng kaniyang ginagawa sa Araw ng Pamamahinga. Pagkatapos, dapat siyang lumabas at isara ang tarangkahan pagkatapos niyang makalabas.
13 Magbibigay rin kayo araw-araw ng isang walang kapintasang kordero na isang taong gulang bilang handog na susunugin para kay Yahweh. Gagawin ninyo ito tuwing umaga.
14 At magbibigay kayo ng isang handog na butil kasama nito tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa at ikatlong hin ng langis upang basain ang harina ng handog na butil para kay Yahweh, ayon sa panuntunang hindi maaaring baguhin.
15 Ihahanda nila ang kordero, ang handog na butil at ang langis tuwing umaga bilang isang permanenteng handog na susunugin.
16 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Kung magbibigay man ang prinsipe ng isang kaloob sa sinuman sa kaniyang mga anak na lalaki, ito ay kaniyang mana. Isang mana ito at magiging ari-arian ito ng kaniyang mga anak na lalaki.
17 Ngunit kung magbibigay siya ng isang kaloob sa isa sa kaniyang mga lingkod mula sa kaniyang mana, kung gayon, magiging pag-aari ito ng lingkod hanggang sa taon ng kaniyang kalayaan, at pagkatapos maibabalik ito sa prinsipe. Tiyak na para lamang sa kaniyang mga anak na lalaki ang kaniyang mana.
18 Hindi kukunin ng prinsipe ang mana ng mga tao mula sa kanilang mga sariling ari-arian; dapat siyang magbigay para sa kaniyang mga anak na lalaki mula sa kaniyang sariling ari-arian upang hindi magkahiwalay ang aking mga tao, ang bawat tao mula sa kaniyang sariling ari-arian.”'
19 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa pasukan ng tarangkahang patungo sa mga banal na silid para sa mga pari na nakaharap sa hilaga at pinagmasdan ko! May isang lugar sa gawing kanluran.
20 Sinabi niya sa akin, “Ito ang lugar kung saan dapat pakuluan ng mga pari ang handog sa pagkakasala, ang handog dahil sa kasalanan at kung saan nila dapat lutuin ang handog na butil. Hindi nila dapat ilabas ang mga ito sa panlabas na patyo upang ilaan ang mga tao kay Yahweh.”
21 At dinala niya ako sa panlabas na patyo at sinamahan niya akong dumaan sa apat na sulok ng patyong iyon, at nakita ko na sa bawat sulok ng patyo, may iba pang mga patyo.
22 Sa apat na sulok ng panlabas na patyo, may apat na sulok na mga patyo na apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang lawak. Magkakapareho ang mga sukat para sa lahat ng apat na sulok ng mga patyo.
23 Mayroong isang hilera sa buong paligid ng apat na ito na gawa sa bato, at nasa ilalim ng hilera ng bato ang mga lutuang sunungan.
24 Sinabi sa akin ng lalaki, “Ito ang mga lugar kung saan pakukuluan ng mga lingkod ng templo ang alay ng mga tao.”