36
1 Ngayon, ikaw anak ng tao, magpahayag ka sa mga kabundukan ng Israel at sabihin, 'Mga kabundukan ng Israel, makinig kayo sa salita ni Yahweh!
2 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sinabi ng kaaway tungkol sa iyo, “Aha!” at “Ang mga sinaunang matataas na lugar ay naging pag-aari namin.”
3 Kaya magpahayag ka at sabihin, ' Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sa inyong kapanglawan at dahil sa mga pagsalakay na dumating sa inyo mula sa lahat ng dako, kayo ay naging pag-aari ng ibang mga bansa; kayo ay naging paksa ng mga mapanirang-labi at mga dila, at ng kuwentuhan ng mga tao.
4 Kaya nga, mga kabundukan ng Israel, makinig sa salita ng Panginoong Yahweh: Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa mga kabundukan at sa matataas na mga burol, sa mga daanan ng tubig at mga lambak, sa mga walang nakatira at mapanglaw na lugar at sa napabayaang mga lungsod na sinamsam at isang paksa ng panunukso para sa ibang mga bansa na nakapalibot sa kanila—
5 kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ako ay tiyak na nagsasalita sa alab ng aking poot laban sa ibang mga bansa, laban sa Edom at sa lahat ng mga umangkin sa aking lupain bilang pag-aari para sa kanilang mga sarili, laban sa lahat nang may galak sa kanilang mga puso at may panghahamak sa kanilang mga espiritu, habang sinasakop nila ang aking lupain na baka sakaling maangkin nila ang pastulan nito para sa kanilang mga sarili.'
6 Kaya, magpahayag ka sa mga lupain ng Israel at sabihin sa mga kabundukan at sa matataas na mga burol, sa mga daanan ng tubig at sa mga lambak, 'ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan ninyo! Sa aking poot at sa aking galit, aking ipinahahayag ito dahil taglay ninyo ang pang-aalipusta ng mga bansa.
7 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ako mismo ang magtataas ng aking kamay upang manumpa na ang mga bansa na nakapalibot sa iyo ay tiyak na dadalhin nila ang sarili nilang kahihiyan.
8 Ngunit kayo, mga kabundukan ng Israel, magpapalago kayo mga sanga at mamumunga para sa aking mga taong Israelita, yamang malapit na silang bumalik sa iyo.
9 Sapagkat masdan ninyo, Ako ay para sa inyo, at pakikitunguhan ko kayo nang may kagandahang-loob; aararuhin kayo at tataniman ng binhi.
10 Kaya magpaparami ako sa inyo mga tao ng kabundukan sa lahat ng sambahayan ng Israel. Lahat! At ang mga lungsod ay titirahan at itatayong muli ang lugar ng pagkasira.
11 Pararamihin ko ang tao at ang mababangis na hayop sa inyo mga kabundukan upang sila ay dumami at maging mabunga. At pananahanan kita gaya nang dati mong kalagayan, at gagawin kitang mas masagana kaysa sa iyong nakalipas, sapagkat malalaman mo na Ako si Yahweh.
12 Magdadala ako ng mga tao, aking taong Israel, upang lumakad sa ibabaw mo. Aangkinin ka nila, at ikaw ang magiging mana nila, hindi ka na magiging dahilan ng pagkamatay ng kanilang mga anak.
13 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sinasabi nila sa inyo, “Nilamon ninyo ang mga tao, at ang mga anak ng inyong bansa ay nangamatay,”
14 kaya hindi na ninyo muling uubusin ang mga tao, at hindi na ninyo pagdadalamhatiing muli ang inyong bansa sa kanilang kamatayan. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.
15 At hindi ko na hahayaang marinig ninyo ang mga pang-aalipusta ng mga bansa; hindi na ninyo kailangang tiisin pa ang kahihiyan ng mga tao o magdulot sa inyong bansa ng pagbagsak—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”
16 At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi,
17 “Anak ng tao, kapag ang sambahayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang lupain, dinungisan nila ito ng kanilang mga kaparaanan at ng kanilang mga gawa. Ang kanilang mga kaparaanan ay gaya ng maruming regla ng isang babae sa aking harapan.
18 Kaya ibinuhos ko ang aking poot laban sa kanila para sa dugo na pinadanak nila sa lupain at para sa kanilang pagdungis rito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
19 Ikinalat ko sila sa mga bansa; nagkahiwa-hiwalay sila sa mga lupain. Hinatulan ko sila ayon sa kanilang mga kaparaanan at sa kanilang mga gawa.
20 Pagkatapos sila ay pumunta sa mga bansa, at saanman sila pumunta, nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan nang sabihin ng mga tao sa kanila, Mga tao ba talaga ito ni Yahweh? Sapagkat itinapon sila palabas sa kaniyang lupain.'
21 Ngunit mayroon akong kahabagan para sa aking banal na pangalan na dinungisan ng sambahayan ng Israel sa ang mga bansa, nang pumunta sila doon.
22 Kaya sabihin sa sambahayan ng Israel, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi ko ito ginagawa para sa inyong kapakanan, sambahayan ng Israel, ngunit para sa aking banal na pangalan, kung saan nilapastangan ninyo sa mga bansa sa lahat ng dako na inyong pinanggalingan.
23 Sapagkat gagawin kong banal ang aking dakilang pangalan, na nilapastangan ninyo sa mga bansa—sa gitna ng mga bansa, ito ay nilapastangan ninyo. At malalaman ng mga bansa na ako si Yahweh— ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—kapag nakita ninyo na ako ay banal.
24 Kukunin ko kayo mula sa mga bansa at titipunin ko kayo mula sa bawat lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong lupain.
25 Pagkatapos ay wiwisikan ko kayo ng dalisay na tubig upang maging dalisay kayo mula sa lahat ng inyong karumihan. At dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan.
26 Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at isang bagong espiritu sa mga kaloob-loobang bahagi ninyo, at aalisin ko ang pusong bato mula sa inyong laman. Sapagkat bibigyan ko kayo ng isang pusong laman.
27 Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo at palalakarin ko kayo sa aking mga kautusan at inyong iingatan ang aking mga utos, upang magawa ninyo ang mga ito.
28 At titirahan ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno; kayo ay magiging mga tao ko, at ako ang magiging Diyos ninyo.
29 Sapagkat ililigtas ko kayo mula sa lahat ninyong karumihan. Ipatatawag ko ang butil at pararamihin ito. Hindi na ako maglalagay ng taggutom sa inyo.
30 Pararamihin ko ang bunga ng punongkahoy at ang ani ng bukirin upang hindi na ninyo mararanasan ang kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.
31 At maiisip ninyo ang inyong masasamang mga kaparaanan at ang mga gawa ninyong hindi mabuti, at kamumuhian ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga sariling kasalanan at ang kasuklam-suklam ninyong mga gawa.
32 Hindi ko ito ginagawa para sa inyong kapakanan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— dapat ninyo itong malaman. Kaya mahiya kayo at magkaroon ng kahihiyan dahil sa iyong mga kaparaanan, sambahayan ng Israel.
33 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong kasamaan, patitirahin ko kayo sa mga lungsod at upang maitayong muli ang mga lugar na nawasak.
34 Sapagkat aararuhin ninyo ang mga nawasak na lupain hanggang ng hindi na ito isang lugar ng pagkawasak sa paningin ng lahat ng nagdaraan.
35 At kanilang sasabihin, “Ang lupaing ito ay napabayaan, ngunit naging gaya ito nang hardin ng Eden; ang pinabayaang mga lungsod at ang mga lugar ng pagkawasak na walang nakatira na hindi nararating ay tinitirhan na ngayon.”
36 At malalaman ng ibang mga bansa na nakapalibot sa inyo na ako si Yahweh, na ako ang nagtayo ng mga lugar ng pagkawasak at muling nagtanim sa mga lugar na pinabayaan. Ako si Yahweh. Ipinahayag ko ito at gagawin ko ito.
37 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hihilingin muli sa akin ng sambahayang Israel na gawin ito para sa kanila, upang paramihin sila tulad ng isang kawan ng mga tao.
38 Katulad ng mga kawan na itinalaga kay Yahweh, tulad ng mga kawan sa Jerusalem sa kaniyang nakatakdang mga kapistahan, ang pinabayaang mga lungsod ay mapupuno ng mga kawan ng mga tao, at malalaman nila na ako si Yahweh.”