39
Pagtatapat ng Taong Nahihirapan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”
 
Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)*
Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
 
Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)
 
12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.
* 39:5 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. 39:11 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.