3
Panalangin sa Umaga
Awit+ ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.
O Yahweh, napakarami pong kaaway,
na sa akin ay kumakalaban!
Ang lagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)*
 
Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)
 
Ako'y nakakatulog at nagigising,
buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
magsipag-abang man sila sa aking palibot.
 
Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
kapangyarihan nila'y iyong igupo.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)
+ 3: 2 Sam. 15:1317:22. * 3:2 SELAH: Ang kahulugan ng salitang ito'y hindi tiyak, subalit sa tekstong Hebreo, ito'y maaaring ginamit bilang isang simbolong pangmusika na nagbibigay ng hudyat sa pag-awit o pagtugtog. 3:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. 3:8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.