IKALIMANG AKLAT
107
(Mga Awit 107–150)
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
Purihin+ si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
 
Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
 
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
 
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
 
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
 
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang+ lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
 
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
 
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
+ 107:1 1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 106:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11. + 107:34 Ecc. 39:23.