GENESIS
Panimula
Ang pamagat na Genesis ay mula sa salitang Griego na ang kahulugan ay “pasimula”. Masasabing ito ay aklat ng pasimula sapagkat isinasalaysay sa aklat na ito ang paglikha sa sandaigdigan, ang pinagmulan ng sangkatauhan, ng kasalanan at ng paghihirap sa sanlibutan, at ang paraan ng Diyos sa pakikitungo sa sangkatauhan. Gayundin naman ang pinagmulan ng bansang Israel ay binibigyang-diin sa aklat na ito. Maaaring hatiin sa dalawang pangunahing bahagi ang Genesis:
1) Kabanatang 1–11: Ang paglikha sa sanlibutan at ang unang kasaysayan ng sangkatauhan. Nakapaloob dito ang kasaysayan nina Adan at Eva, Cain at Abel, Noe at ang malaking baha, at ang Tore ng Babel. Ipinapakita rito na bagama't maganda ang mga ginawa at plano ng Diyos para sa sangkatauhan, ito'y nasira dahil sa pagsuway ng tao.
2) Kabanatang 12–50: Ang kasaysayan ng mga ninuno ng Israel. Ang una'y ang kasaysayan ni Abraham na kapuri-puri dahil sa kanyang pananampalataya at buong pusong pagsunod sa Diyos. Kasunod nito ay ang kasaysayan ng kanyang anak na si Isaac, at ng kanyang apo na si Jacob (tinatawag ding Israel) at ng labindalawang anak nito, ang mga tagapagtatag ng labindalawang lipi ng Israel. May tanging banggit sa anak niyang si Jose, at ang mga pangyayaring nag-udyok kay Jacob at sa iba niyang mga anak at kani-kanilang pamilya para manirahan sa Egipto.
Bagama't nagsasalaysay tungkol sa mga tao ang aklat na ito, pangunahin dito ay ang ulat tungkol sa ginawa ng Diyos. Nagpapasimula ito sa pagpapahayag na ang Diyos ang lumikha sa sandaigdigan, at nagwawakas sa isang pangako na patuloy na ipapakita ng Diyos ang kanyang malasakit sa kanyang bayang hinirang. Ang Diyos ang pangunahing tauhan sa buong aklat. Siya ang humahatol at nagpaparusa sa mga gumagawa ng kasalanan, nangunguna at tumutulong sa kanyang bayan, at nagsasaayos ng kanilang kasaysayan. Sinulat ang aklat na ito upang itala at ipaliwanag ang kasaysayan ng pananampalataya ng isang bansa, at upang panatilihing buháy ang pananampalatayang ito.
Nilalaman
Paglikha sa sandaigdigan at sa sangkatauhan 1:1–2:25
Ang pasimula ng kasalanan at paghihirap 3:1-24
Mula kay Adan hanggang kay Noe 4:1–5:32
Si Noe at ang malaking baha 6:1–10:32
Ang tore ng Babel 11:1-9
Mula kay Shem hanggang kay Abram 11:10-32
Ang mga patriyarka: sina Abraham, Isaac at Jacob 12:1–35:29
Ang mga nagmula sa lahi ni Esau 36:1-43
Si Jose at ang kanyang mga kapatid 37:1–45:28
Nagpunta sa Egipto ang sambahayan ni Jacob 46:1–50:26
1
Ang Kasaysayan ng Paglikha
Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;* ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig. Sinabi+ ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.
Sinabi+ ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.
Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito. 10 Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito. 12 Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 13 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw.
14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. 15 Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig, 18 tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan. 19 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw.
20 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.” 21 Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. 22 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” 23 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw.
24 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari. 25 Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan.
26 Pagkatapos,+ sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” 27 Nilalang+ + nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, 28 at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa. 29 Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo. 30 Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw.
* 1:1 Nang…lupa: o kaya'y Nang simulang likhain ng Diyos ang langit at ang lupa. 1:2 kumikilos ang Espiritu ng Diyos: o kaya'y umiihip ang malakas na hangin mula sa Diyos. + 1:3 2 Mcb. 7:28; 2 Cor. 4:6. + 1:6 2 Ped. 3:5. + 1:26 Kar. 2:23; Ecc. 17:3-4; 1 Cor. 11:7. + 1:27 Mt. 19:4; Mc. 10:6. + 1:27 Gen. 5:1-2.