SI BEL AT ANG DRAGON
Panimula
Ang aklat ng Si Bel at ang Dragon ay binubuo ng dalawang kuwento na idinagdag sa Aklat ni Daniel nang isalin ito sa wikang Griego. Ang unang salaysay ay patungkol sa karunungan at katapangan ni Daniel nang ibunyag niya na hindi totoo ang diyus-diyosang si Bel. Ang pangalawang kuwento ay naglalarawan naman kung paano niya pinatay ang dragon na sinasamba ng mga taga-Babilonia.
1
Si Daniel at ang mga Pari ni Bel
1-2 Nang mamatay si Haring Astyages, ang humalili sa kanya ay si Haring Ciro ng Persia. Si Daniel ay malapit sa hari at higit na pinagkakatiwalaan nito kaysa iba niyang tagapayo.
Ang+ mga taga-Babilonia ay may diyus-diyosan na tinatawag nilang Bel. Araw-araw, ibinibili nila ito ng labindalawang malalaking takal* na pinong harina, apatnapung tupa, at limampung galon ng alak. Naniniwala si Haring Ciro na talagang diyos si Bel at sumasamba siya rito araw-araw. Ngunit walang sinasamba si Daniel kundi ang kanyang Diyos.
Kaya't isang araw, sinabi ng hari, “Daniel, bakit hindi mo sinasamba si Bel?” Sumagot si Daniel, “Sapagkat hindi po ako naniniwala sa mga diyus-diyosang gawa lamang ng tao; ang sinasamba ko po'y ang buháy na Diyos, ang lumalang ng langit at lupa at siyang Panginoon ng buong sangkatauhan.”
Nagtanong muli ang hari, “Ang ibig mo bang sabihin ay hindi buháy na diyos si Bel? Hindi mo ba nakikita kung gaano karami ang kinakain niya't iniinom araw-araw?”
Tumawa si Daniel at sumagot, “Huwag kayong palinlang, Kamahalan. Iyang si Bel ay putik lamang na binalot ng tanso. Wala siyang anumang kinakain o iniinom.”
Nagalit ang hari at ipinatawag ang mga pari ni Bel at galit na sinabing, “Kapag hindi ninyo sinabi sa akin kung sino ang kumakain ng mga pagkaing ito, kayo'y mamamatay. Subalit kung mapatunayan naman ninyong si Bel nga ang kumakain nito, si Daniel ang mamamatay sapagkat sinabi niyang hindi diyos si Bel.”
At sinabi ni Daniel sa hari, “Mangyari ang inyong sinabi.”
10 Pitumpu ang mga pari ni Bel, bukod pa sa kanilang mga asawa't anak. Pumasok sa templo ni Bel ang hari, kasama si Daniel. 11 Sinabi ng mga pari sa hari, “Mahal na hari, kami po'y lalabas. Kayo na po ang maglagay ng pagkain at alak sa dambana ni Bel. Pagkatapos, isara ninyo ang pinto at tatakan ng inyong singsing. 12 Pagbalik ninyo bukas ng umaga at makita ninyong hindi inubos ni Bel ang lahat ng ito, kami ang mamamatay. Ngunit kung inubos niya, si Daniel na nagbintang sa amin ng hindi totoo ang siyang mamamatay.”
13 Matapang sila sa paghahamon nang gayon sapagkat sa ilalim ng hapag sa templo ay mayroon silang lihim na lagusan. Doon sila nagdaraan kung gabi at sila ang umuubos sa mga pagkaing dinadala roon araw-araw.
14 Pagkaalis nga ng mga pari, inilagay ng hari ang mga handog na pagkain sa dambana ng diyus-diyosang si Bel. Inutusan naman ni Daniel ang kanyang mga alipin na magdala ng maraming abo. Ikinalat nila ito sa buong bulwagan ng templo. Ang hari lamang ang nakakita ng ginawa nila. Pagkalabas nila, isinara ang pinto at nilagyan ng tatak ng hari.
15 Nang gabing iyon, tulad ng dati, pumunta sa templo ang mga pari, kasama ang kanilang mga asawa't anak. Dumaan sila sa lihim na lagusan at inubos ang lahat ng pagkain at alak na naroon.
16 Kinaumagahan, maagang gumising ang hari at pumunta sa templo na kasama si Daniel. 17 Pagdating sa templo ay itinanong ng hari, “Sira ba ang mga tatak, Daniel?”
Sumagot ito, “Hindi po, Kamahalan.”
18 Nang mabuksan ang pinto, nakita ng hari ang walang lamang hapag at pasigaw siyang nagsabi, “Ikaw ay dakila, Bel! Tunay ngang diyos ka!”
19 Natawa si Daniel at sinabi sa hari, “Bago po kayo pumasok ay tingnan po ninyo ang sahig, at kilalanin ang mga bakas na nariyan.” 20 At sabi ng hari, “Abâ! Ito'y bakas ng paa ng mga lalaki't babae, at mga bata.” 21 Gayon na lamang ang galit ng hari. Ipinadakip niya ang mga pari at mga pamilya nila. Wala silang nagawa kundi ituro ang mga lihim na lagusang dinaraanan nila upang kainin ang mga pagkaing nasa dambana ni Bel. 22 Kaya't sila'y ipinapatay ng hari. Ibinigay nito si Bel kay Daniel at sinira ni Daniel ang diyus-diyosan, pagkatapos ay ipinagiba ang templo nito.
Pinatay ni Daniel ang Dragon
23 May isa ring dambuhalang dragon na sinasamba ng mga taga-Babilonia. 24 Isang araw, sinabi ng hari kay Daniel, “Hindi mo maikakaila na ang diyos na ito'y buháy, kaya't sumamba ka sa kanya.”
25 Sumagot si Daniel, “Sumasamba ako sa Panginoon na aking Diyos sapagkat siya ang Diyos na buháy. 26 Kung ipahihintulot ninyo, mahal na hari, papatayin ko ang dragong ito nang walang tabak o pamalo.”
“Pinahihintulutan kita,” sabi ng hari.
27 Kumuha si Daniel ng alkitran, taba, at mga buhok. Niluto niya ang mga ito, ginawang parang tinapay saka ipinakain sa dragon. Nang malulon ang pagkaing iyon, sumabog ang dragon. At sinabi ni Daniel sa hari, “Kamahalan, iyan po ang inyong sinasamba.”
28 Nang mabalitaan ng mga taga-Babilonia ang nangyari, galit na galit silang nagbanta laban sa hari. “Ang hari ay naging Judio na,” sabi nila. “Sinira niya si Bel at ipinapatay ang mga pari; ngayon nama'y ipinapatay ang dragon!” 29 Pinuntahan nila ang hari at sinabi, “Ibigay mo sa amin si Daniel, kung hindi, papatayin ka namin, pati na ang iyong sambahayan.” 30 Nang makita ng hari na talagang gagawin nga ng mga tao ang kanilang banta, napilitan itong ibigay sa kanila si Daniel.
Iniligtas si Daniel sa Yungib ng mga Leon
31 Itinapon+ nila si Daniel sa yungib ng mga leon, at siya'y nanatili roon sa loob ng anim na araw. 32 Pito ang leong nasa yungib na iyon at bawat araw ay dalawang tao at dalawang tupa ang ipinakakain sa kanila. Ngunit sa loob ng anim na araw na iyon ay hindi sila binigyan ng pagkain upang matiyak na si Daniel ang kanilang kakainin.
33 Nang panahong iyon, si Propeta Habakuk ay nasa Judea. Nagluto siya ng gulay at hinaluan ito ng pira-pirasong tinapay. Papunta na siya sa bukid para dalhin ito sa mga nag-aani roon, 34 nang sabihin sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Habakuk, dalhin mo sa Babilonia ang pagkaing iyan, kay Daniel na nasa yungib ng mga leon.”
35 Subalit sumagot si Habakuk, “Ginoo, hindi pa po ako nakakarating sa Babilonia at hindi ko alam kung saan ang yungib na iyon.”
36 Hinawakan+ ng anghel si Habakuk sa buhok, binuhat at simbilis ng hangin na dinala sa Babilonia, sa yungib ng mga leon. 37 Tumawag ng malakas si Habakuk, “Daniel! Daniel! Narito ang pagkaing padala ng Diyos.”
38 Sinabi ni Daniel, “O Diyos, ako'y hindi mo nilimot; hindi mo pinababayaan ang mga umiibig sa iyo.” 39 Tumayo si Daniel at kumain. Si Habakuk naman ay agad ibinalik ng anghel sa kanyang tahanan.
40 Pagkalipas ng pitong araw, pumunta ang hari sa yungib upang ipagluksa si Daniel. Sumilip siya sa yungib at nakita niya si Daniel na payapang nakaupo. 41 Napasigaw ang hari, “Talagang dakila ka, Panginoong Diyos ni Daniel. Tunay na walang ibang Diyos maliban sa iyo!” 42 Inilabas niya si Daniel sa yungib at ang itinapon ay ang mga taong nagtangka sa buhay nito. Kitang-kita ng hari na mabilis silang nilapa at kinain ng mga leon.
+ 1:3 Isa. 46:1; Jer. 51:44. * 1:3 MALALAKING TAKAL: Ang takalang ginagamit dito ay sinlaki ng sisidlang maaaring maglaman ng dalawang galong tubig. + 1:31 Dan. 6:16-24. + 1:36 Eze. 8:3. 1:36 simbilis ng hangin na dinala: o kaya'y sa kapangyarihan ng Espiritu ay dinala.